Maagang nag-deploy ng mga tauhan ang Quezon City Traffic and Transport Management Department (QCTTMD) bilang paghahanda sa Semana Santa.
Sa ginanap na Quezon City Journalist Forum, sinabi ni Dexter Cardenas, hepe ng QCTTMD na may higit 2,000 tauhan na nito ang naka-deploy sa mga terminal at mga simbahan para umalalay sa mga pasahero at mga nakikiisa sa panahon ng Kwaresma.
Kabilang sa tinututukan ang kahabaan ng Edsa at Cubao kung saan nakahilera ang mga terminal ng bus.
“May unti-unti nang dating ng dami ng pasahero ang dumadagsa sa mga bus terminal sa QC lalo na sa Cubao area at lalo yang dadami sa Holy Week sa sunod na linggo kaya may mga deployment na ng mga tauhan kaming ginawa sa QC LGU,” sabi ni Cardenas.
Katulong naman aniya ng QC LGU ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Quezon City Police District (QCPD), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Public Order and Safety (DPOS), at barangay sa pagbibigay serbisyo sa mga taga-QC sa panahon ng Semana Santa.
Kaugnay nito, muli namang pinayuhan ni Cardenas ang mga mag-uuwian sa probinsya na wag tangkilikin ang mga bibiyaheng colorum na sasakyan. | ulat ni Merry Ann Bastasa