Hindi pa gaanong ramdam sa ngayon ang mataas na presyuhan ng isda sa mga pamilihan kahit malapit na ang Semana Santa.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, wala pang paggalaw sa bentahan sa ngayon at bumababa pa nga ang presyo ng tilapia at bangus.
Gayunman, inaasahan ng DA na kasabay ng Lunes Santo ay siyang pagtaas rin ng presyo ng isda.
Karaniwan aniya ito kapag sumasapit ang Semana Santa dahil maraming Katoliko ang umiiwas sa pagkain ng karneng baboy.
Bukod sa isda, inaasahan ding tataas maging ang presyo ng gulay sa susunod na linggo.
Nilinaw naman ng DA na ito ay bunsod ng pagtaas ng demand dahil sapat ang suplay ng isda at gulay sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa