Positibo si Speaker Martin Romualdez na madaragdagan ang mga foreign investor na magkakainteres sa Pilipinas matapos ang dalawang araw na World Economic Forum (WEF) Country Roundtable sa bansa.
Ayon sa House leader, pinalakas lamang ng WEF Country Roundtable ang mensahe ng bansa na ang Pilipinas ay may dynamic at matatag na ekonomiya na hitik sa bunga at oportunidad para sa mga nais makipag-ugnayan.
Naging daan din aniya ito para bumida ang Pilipinas bilang ‘prime destination’ para sa pamumuhunan gayundin ang pagsasakatuparan ng administrasyong Marcos Jr. para sa ‘conducive environment’ para sa paglago ng ekonomiya at pag-unlad.
Naging daan din ito sa Pilipinas na makaharap ang global leaders at matuto na mapalakas ang investment climate.
Tinukoy pa nito na sinabi ni WEF President Børge Brende noong makibahagi si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa WEF Meeting noong Enero ng nakaraang taon, maraming kumpanya ang nagpakita ng interes sa mga investment prospect sa bansa.
Katunayan sabi pa ni Brende, maganda ang hinaharap ng Pilipinas lalo na kung ipagpapatuloy nito ang policy reforms, pagpapabuti sa mga istruktura at pamumuhunan sa renewables.
Inihayag naman ni Speaker Romualdez sa mga delegado na buo ang suporta ng Kamara sa mga inisyatibo ng Pangulong Marcos para buksan pa ang Pilipinas sa mga dayuhang mamumuhunan.
Kabilang sa mga nakibahagi sa WEF Roundtable on the Philippines ang mga nangungunang global executives ng iba’t ibang kumpanya sa enerhiya, imprastraktura, pananalapi, bangko, telecommunications at marketing industries. | ulat ni Kathleen Jean Forbes