Posible na pumalo pa sa 76 ang bilang ng mga probinsyang makararanas ng epekto ng El Niño sa Pilipinas sa susunod na tatlong buwan.
Sa harap na rin ito ng pagpasok ng ‘summer season’.
Pahayag ito ni Task Force El Niño Spokesperson Joey Villarama nang tanungin kung posible bang mabawasan ang bilang ng mga lugar na nakararanasan ng tagtuyot, kasunod ng sinabi ng PAG-ASA na bahagyang humina ang El Niño phenomenon sa bansa.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na kritikal ang susunod na tatlong buwan lalo’t hindi pa opisyal na idinedeklara ang ‘summer season’, kahit pa dama na ang init nito sa kasalukuyan.
Aniya, hindi magpapakakampante ang pamahalaan sa pagtugon sa tagtuyot.
Kaugnay nito, nanawagan rin ng kooperasyon ang opisyal sa publiko sa pagpapagaan ng epekto ng El Niño.
“Hindi dapat tayo maging kampante, dapat maging handa, at maging listo, at dapat tayo ay patuloy na magtipid, given the limited resources we have para malampasan natin ang pinakamatindi na pwedeng idulot ng El Niño phenomenon.” — Asec. Villarama. | ulat ni Racquel Bayan