Kinondena ng ilan sa mga mambabatas ang ginawang pagpatay sa golden retriever na si Killua na pinagpapalo.
Ayon kay Davao Oriental 2nd district Rep. Cheeno Almario, maituturing na murder ang ginawa sa naturang aso.
Pagbabahagi niya, mayroon siyang walong aso at bilang isang animal lover, masakit na mabasa ang naturang balita.
Kaya kung mayroong hakbang para pabigatin ang parusa sa animal cruelty ay susuportahan niya ito.
“…when you own so many animals that you care for and you really give the attention to, it really hurts as an animal lover na bakit iyon pa ang ginawa ano? I’d understand siguro kung tinakot niya para hindi lumapit ano or anything na konting pitik lang para lang umalis ano, pero to kill the animal already speaks of the motive, that there is really an intent to end the life of that animal. So, I think to me it is a tantamount to, I mean its murder, straight up murder, it may not involve another human being pero to an animal who is loved and cared by its owner, masakit din na bagay iyon” sabi ni Almario.
Batid din ni Deputy Speaker David Suarez ang sakit na nararamdaman ngayon ng pamilya na nagmamay-ari kay Killua dahil sila rin aniya ay marami ang alagang aso.
Kaya naman maliban sa mas mabigat na parusa ay dapat din aniya silipin kung naipapatupad ng tama ng mga lokal na pamahalaan ang nilalaman ng Animal Welfare Act.
Sinabi naman ni Ako Bicol party-list Rep. Jil Bongalon, mahalaga rin ang information dissemination para maipaalam sa publiko na mayroong batas laban sa pang-aabuso sa mga hayop.
Sa kasalukuyan, ang parusa laban sa animal cruelty na mauuwi sa pagkamatay ng hayop ay anim na buwan hanggang isang taong pagkakakulong at/o multa na ₱100,000. | ulat ni Kathleen Forbes