Naniniwala ang mga mambabatas na may sapat na kakayahan ang Filipino electorate o mga botante na pumili ng mga opisyal na iluluklok sa pwesto.
Tugon ito ng mga kongresista nang matanong kung ano ang kanilang reaksyon sa grupo ng mga abogado na lumapit sa Supreme Court, para hilingin na atasan ang Kongreso na magpasa ng batas para sa anti-dynasty
Ayon kay AKO Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon, ang kapangyarihan para gumawa ng batas ay nasa kamay ng lehislatura at walang sinoman ang maaaring pumilit sa kanila para gumawa ng lehislasyon.
Gayunman, sa usapin ng political dynasty, sinabi ng mambabatas na mayroon nang anti-political dynasty provision sa SK Reform Law.
At kung makitang epektibo ito ay maaaring aralin kung uubra din ito sa pang nasyunal.
Sabi naman ni Deputy Speaker David Suarez, nag-evolve na ang pag-iisip at paraan ng pagpili ng mga botante.
Kaya naman hayaan na lamang aniya ang Filipino electorate na pumili sa kung sino ang kanilang iboboto. Sinegundahan ito ni La Union Rep. Paolo Ortega.
“pag hindi ka gusto ng tao, hindi ka talaga nila iboboto. Lalo ngayon, this is the area of different kinds of media. Social media, traditional media, new media. People can see if you are really working. Nakikita po ng tao kung ano po iyong output natin,” ani Ortega
Aniya, sa panahon ngayon na may social media ay madaling makita ng taumbayan kung talagang nagtatrabaho ang isang lingkod bayan o hindi, at kung ayaw ka talagang iboto ay hindi ka nila iboboto.
Sabi naman ni Lanao del Norte Rep. Zia Alonto Adiong, hindi dapat limitahan ang mga botante sa mga pagpipilian nilang iboto.
Inihalimbawa nito na sa BARMM, mayroong mga tumatakbo at nagkakalaban sa politika na magkaka apelyido at magkakamag-anak.
Kaya kung itutuloy ang anti-political dynasty law ay wala nang kandidato na makakatakbo.
“Sa area ko po, in the BARMM. Marami pong magkakalaban diyan sa barangay na Mayor na magkaka apelyido. Magkaka apelyido sila, magkapatid, minsan at some cases mag-ama. So, if we disqualify the basis of that wala na pong kandidato sa amin. So, mauubos po, di ba? So why limit the space for the electorate to choose from?” saad ni Adiong
Mas maganda pa aniya na ayusin na lang ang party system ng Pilipinas gaya ng sa US kung saan magdaraos ng convention at doon pagbobotohan kung sino ang magiging kandidato ng partido.
Dagdag naman ni Davao Oriental Rep. Cheeno Almario, ang mga political dynasty ay kusang dumarating at nawawala.
“..we are looking into how the people trust those who are willing to run for a position in the government…you’ve seen political dynasties come and go. And this is evidence in itself of how the people choose their leaders.” Ani Almario | ulat ni Kathleen Forbes