Inanunsiyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na matatapos na ang Amihan Season ngayong linggo.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Benison Estareja, muling lumakas ang Northeast Monsoon o hanging Amihan kung saan nakaranas ng mahinang pag-ulan ang Central Luzon at Northern Luzon.
Ito na aniya ang “final wave” ng amihan, at kailangan nang paghandaan ang mas mainit na panahon. Pagkatapos nito, pormal nang magsisimula ang dry season o panahon ng tag init.
Asahan ang nasa 23-32 degrees Celsius sa Metro Manila habang 14–24°C sa Baguio City, 25–32°C sa Metro Cebu, 24–34°C sa Metro Davao, at 24–35°C naman sa Zamboanga City.
Samantala, asahan naman ang maulap na panahon at kalat-kalat na pag-ulan sa Eastern Visayas, Sorsogon, at Masbate.
Posible namang makaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa sa Cagayan Valley, Apayao, at Kalinga dahil sa malakas na ulang dala ng Amihan. Uulanin din ang Aurora at Northern Quezon.
Maulap naman na may isolated rains sa Metro Manila, Ilocos Region at natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region, Central Luzon, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon. | ulat ni Rey Ferrer