Naipresenta na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na layong gawing ligal ang access sa medical cannabis o marijuana.
Sa sponsorship speech ni Senador Robin Padilla para sa Senate Bill 2573 o ang panukalang Cannabis Medicalization Act, tiniyak ng senador na nakabatay sa mga pag-aaral at testimonya ng mga doktor at eksperto ang pagsusulong sa medical marijuana.
Sa ilalim ng panukala, tanging ang mga kwalipikadong pasyente lang na na-diagnose na may “debilitating medical conditions” ang maaaring bigyan ng medical cannabis.
Iminamandato rin ng panukala ang pagtatatag ng Philippine Medical Cannabis Authority (PCMA) na gagawa ng Comprehensive Cannabis
Medicalization Plan; regulasyon para sa medical cannabis; monitoring at regulating system para sa medical cannabis; at mag-isyu ng lisensya para sa
registered entities sa medical cannabis industry.
Isusulong din nito ang research and development sa medical
cannabis.
Bubuuin rin ang Medical Cannabis Advisory Committee (MCAC) na
pamumunuan ng Department of Health (DOH) secretary bilang ex-officio chairperson at kabibilangan ng Dangerous Drugs Board (DDB), Food and Drug Administration (FDA), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of Science and Technology (DOST), at Department of Agriculture (DA). | ulat ni Nimfa Mae Asuncion