Inanunsyo ng pamunuan ng De La Salle University – Dasmariñas na suspendido ang face-to-face classes, exams at iba pang aktibidad ngayong araw.
Batay sa abiso ng nasabing pamantasan, ito’y bunsod ng isang security emergency subalit hindi naman idinetalye kung ano ito.
Maging ang mga transaksyon sa mga opisina ng nasabing pamantasan ay suspendido rin ngayong araw.
Gayunman, ipinabatid ng pamunuan ng DLSU na tuloy pa rin ang online classes at online exams na naka-schedule ngayong araw.
Samantala, para sa Basic Education ay ipagpapaliban din muna ang National Achievement Test para sa Grade 12 students na naka-schedule sana bukas.
Sa ngayon, puspusan ang pakikipag-ugnayan ng paaralan sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan para matiyak ang kaligtasan ng kanilang campus.
Pinag-iingat din ng pamunuan ng nasabing pamantasan ang kanilang mga estudyante. | ulat ni Jaymark Dagala