Nanawagan ngayon ang National Book Development Board (NBDB) sa mga policymaker, academe at community leaders na palawakin ang access ng mamamayan lalo na ng mga kabataang Pinoy sa mga dekalidad na libro at reading facilities.
Ito kasunod ng lumabas na 2023 National Readership Survey (NRS) katuwang ang SWS kung saan lumalabas na bumaba ang non-school book readership sa Filipino adults at children.
Sa naturang survey, bumaba sa 42% ang adult readership habang 47% naman sa mga kabataan kung saan kasama sa madalas na binabasa ang bible, picture books at romance genre books.
Lumalabas rin na ang kawalan ng access sa mga mababasang libro at reading facilities gaya ng public libraries ang karaniwang rason ng readership decline.
Dahil dito, nais ngayon ng NBDB na paigtingin ang mga programa para mas maraming Pilipino ang maengganyong magbasa ng libro at magkaroon ng reading habits.
“These findings, which provide a much-needed nuanced understanding of Filipinos reading habits and preferences, reinforce the fact that access to quality books remains a pressing issue in book publishing and education, so the sectors’ focus now clearly has to be on addressing gaps in access.” — NBDB Chairperson Dante “Klink” Ang II.
Ayon din kay NBDB Chairperson Dante Ang II, plano nilang pag-aralan ang iba’t ibang panukala para matugunan ang mababang readership gaya ng pagtatayo ng mas maraming public libraries.
Hinimok din ng NBDB ang mga magulang na gabayan at samahang magbasa ang kanilang mga anak para magkaroon ng reading habit.
Sa panig naman ng NBDB, ilan sa mga hakbang na ginagawa nito ang Book Nook project na network ng reading centers sa bansa at ang Philippine Book Festival.
Isinagawa ang 2023 National Readership Survey mula Nov. 14-20, 2023 na may 4,800 respondents. | ulat ni Merry Ann Bastasa