Hihingi na ng funding request ang DSWD sa DBM para maipatupad ang AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita Program.
Ito ang sinabi ni DSWD Sec. Rex Gatchalian sa mga mambabatas sa ipinatawag na briefing sa Kamara para sa estado ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng ahensya.
Nausisa kasi ang DSWD kung kailan maipapatupad ang AKAP matapos maantala dahil nahaluan ng politika at sinabing pinangsuhol umano para sa pagpapapirma sa People’s Initiative.
Ayon kay Gatchalian, nakapaskil na sa Official Gazette ang guidelines ng AKAP kaya naman makakahingi na sila ng pondo para dito sa DBM.
Ang AKAP ay isang financial aid program para tulungan ang mga near poor o yung mga minimum wage earners upang hindi sila bumagsak pa sa ilalim ng poverty line.
Sabi pa ng kalihim na pinasimple lang nila ang requirements gaya ng pagsusumite ng income tax return o payslip bilang patunay.
Halos kahalintulad lang aniya ng AICS ang magiging proseso ng payout.
Diin pa niya na maaaring makabenepisyo sa programa ang kapwa minimum wage earner na nasa pribadong kumpanya o sa gobyerno. | ulat ni Kathleen Jean Forbes