Positibo si Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. na bago mag-SONA ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo ay mapagtitibay na ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang panukalang amyenda sa Government Procurement Law ng bansa na kasama sa LEDAC priority measure.
Sa isang pulong balitaan sinabi ni Gonzales na siyang pangunahing sponsor at author ng panukala sa Kamara na nagkausap na sila ni Senate President Juan Miguel Zubiri na dapat ay maaprubahan nila ito sa Mayo.
Salig sa House Bill 7944 o “Ang Bagong Pilipinas Government Procurement Reform Act” ni Gonzales ibaba sa 27 araw ang kasalukuyang 72 araw na procurement process ng gobyerno.
Ipinapanukala rin ni Gonzales na alisin na ang post-audit qualification.
Inaasahan na sa pamamagitan nito ay ma-streamline o mapabilis ang procurement process at mahinto na ang delay sa pagpapapatupad ng mga programa at proyekto ng pamahalaan.
Isa sa inihalimbawa niya ay ang Supreme Court na napakaraming nakalinyang proyekto para sa dagdag na court room ngunit napakabagal ng usad dahil sa mahabang proseso ng kasalukuyang procurement law.
Nitong Miyerkules ay sinertipikahan bilang urgent ng Pangulo ang Senate Bill 2593 na bersyon ng Senado.
Ngunit hindi na naihabol pagtibayin sa ikalawang pagbasa. | ulat ni Kathleeen Jean Forbes