Nagpahayag ng maigting na kagalakan si House Speaker Martin Romualdez sa forecast ng World Economic Forum sa potensyal ng ekonomiya ng Pilipinas na lumago ng hanggang US $2 trillion sa susunod na 10 taon.
Aniya, isa itong mahalagang hakbang sa hinahangad na kasaganaan sa ating ekonomiya at para sa pagbabago ng buhay ng mga Pilipino.
Kinilala naman ng House Speaker ang katatagan ng ating ekonomiya at fiscal strategy ng adminsitrasyong Marcos kaya mas napapansin na ngayon ng Pilipinas bilang destinasyon ng foreign investments.
Pagsiguro naman ni Romualdez na tutulong ang Kamara sa paglalatag ng mga lehislasyon na magbubukas sa bansa sa foreign investments at maging bahagi ng lumalagong global market na siya namang magbibigay ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino.
“We are committed to creating a more dynamic economic environment by amending the economic provisions of the 1987 Constitution, which have long restricted foreign investments. Our aim is to foster an inclusive economy where growth benefits every Filipino. By liberalizing our economy, we are not just attracting foreign capital but also integrating the Philippines more fully into the global market, which in turn will spur innovation, enhance competitiveness, and create a multitude of opportunities for our people,” sabi ni Romualdez.
Welcome din kay House Deputy Majority Leader Jude Acidre ang naging pahayag ni WEF President Borge Brende na hindi malayong maging economic powerhouse ang Pilipinas.
Kaya naman malaking bagay din aniya ang pagpapatibay ng Kamara sa Resolution of Both Houses No. 7 o panukalang economic charter change para mabuksan ang ekonomiya ng bansa sa mga dayuhang mamumuhunan.
Sabi pa ni Acidre nakatulong din na mayroon tayong isang Punong Ehekutibo na maalam at binibigyang halaga ang foreign direct investments at nag-iikot sa iba’t ibang nasyon para ibida ang Pilipinas sa mga mamumuhunan.
Mayroon din aniya lehislatura na handang maglatag ng mga panukala para maisakatuparan ang fiscal, economic at social reform para maisakatuparan ang mga hangarin ng administrasyon.
“Ika nga nila, strike while the iron is hot…We have a president who understands the importance of foreign direct investments, not only that but also reaching out to the international community, providing a better and rosier picture of our country on the international scene. You have a legislature, you have the Speaker who is as serious and determined in providing the necessary legislation for the administration to carry out his fiscal, economic and social reforms. So andito na lahat yung recipe, nasa atin na lang. At lalong-lalo ng RBH.” sabi ni Acidre. | ulat ni Kathleen Jean Forbes