Positibo ang pagtaya ni World Economic Forum President Borge Brende sa economic growth trajectory ng Pilipinas.
Ayon kay Brende, may potential ang bansa na lumago bilang $2-trillion economy sa loob ng isang dekada kung saan dapat masusustine ang investments sa mga pangunahing sector gaya ng sa education at human capital development.
Base sa pagtatapos ng taong 2023, tinatayang nasa $380-billion lamang ang ekonomiya in nominal terms.
Kinilala ng top official ng World Economic Forum, ang pagiging resilient ng bansa sa kabila ng mga hamon sa global environment.
Nakikita rin umano ni Brende na maraming global businesses ang interasdo sa Pilipinas dahil kinukonsidera ng mga ito ang bansa bilang Fastest Growing Economy sa rehiyon.
Diin ng mataas na opisyal ng WEF, “very bullish” ang kanilang pagtaya sa Pilipinas at umaasang magpapatuloy ang reporma sa isinasagawa ng gobyerno.
Paliwanag nito na ang kanilang positibong pagtaya ay dahil sa matatag at maayos na patakaran sa pananalapi ng Pilipinas.
Umaasa din ito na ipagpapatuloy ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at kaniyang gabinete na matanggal ang red tape sa mga transaksyon sa gobyerno upang makalikha ng tamang investments. | ulat ni Melany Valdoz Reyes