Kinuwestiyon ni Senate Committee on Basic Education Chairperson Senador Sherwin Gatchalian ang sinasabing pagkakaroon ng higit 19,000 mga ‘ghost student’ na nasa ilalim ng senior high school voucher program ng bansa.
Sa pagdinig sa senado, ipinunto ni Gatchalian ang nasa 19,000 undocumented students o beneficiaries ng Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act (E-GASTPE).
Iprinisinta ni Gatchalian ang report mula sa private education assistance committee (PEAC), na may mga paaralan sa bansa na kailangan pang mag-refund ng milyong piso mula sa voucher program.
Isang paaralan ang kailangang magbalik ng P80 million, isa pa ang may P68 million, at isa ring nasa P14 million ang dapat i-refund.
Ibinahagi naman ni PEAC Monitoring and Processing Officer Roderick Malonzo, na ang unang paaralan ay hindi nakapagprisinta ng dokumento para mapatunayang lehitimo ang stundent-beneficiaries nito na aabot sa 4,600.
Nangako naman aniya ang paaralan na magsusumite ng dokumento sa PEAC.
Sinabi naman ng Commission on Audit (COA), na kailangan pa nilang imbestigahan ang usapin bago matukoy kung ito ba ay matatawag na panloloko sa gobyerno.
Una nang nagkaroon ng report ang COA, na noong school year 2016-2017 ay nakapagtala ng 115 na senior high school voucher program ang maituturing na ‘ghost students’. | ulat ni Nimfa Asuncion