Pag-aaralan at susuriing mabuti ng Senate Committee on Public Services ang panukala para bawiin ang prangkisa ng Swara Sug Media Corporation na siyang nag-ooperate ng Sonshine Media Network International (SMNI).
Ito ang tiniyak ni Committee Chairperson, Senadora Grace Poe matapos aprubahan ng Kamara ang House Bill 9719 na nagsusulong ng pagbawi sa prangkisa ng naturang kumpanya dahil sa umano’y pagkakalat ng maling impormasyon, paglilipat ng ownership nang walang congressional approval at iba pang mga isyu.
Pinunto ng senadora na base sa konstitusyon, ang mga panukala na may kaugnayan sa prangkisa, pagbubuwis at public debt ay dapat munang magmula sa Kamara bago ito talakayin ng senado.
Base aniya sa pagkakaalam ni Poe, ito ang unang pagkakataon na may panukala para sa franchise revocation na naisulong sa Kamara.
Kaya naman kailangan aniya itong pag-aralang mabuti dahil magsisilbi itong precedent ng mga susunod na legislative franchises.
Dinagdag rin ni Poe na sa pagtalakay sa panukala, magsisilbi nilang gabay ang prinsipyo na ang prangkisa ay isang pribilehiyo na may mga karampatang responsibilidad.
Binigyang diin rin ni Poe na kahit pa talakayin na ng kanyang komite ang panukala ay dedepende pa rin sa liderato ng Senado ang prioritization nito sa pagtalakay sa plenaryo. | ulat ni Nimfa Asuncion