Pinakawalan na ng senado si dismissed Police Major Allan de Castro na itinuturong suspek sa pagkawala ng beauty pageant contestant na si Catherine Camilon.
Matatandaan nitong Martes ay pina-contempt ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs si de Castro matapos na itanggi na may relasyon sila ni Camilon, taliwas sa sinasabi ng mga testigo at sa imbestigasyon ng NBI at PNP.
Ayon kay Committee on Public Order Chair Senador Ronald “Bato” dela Rosa, pinakawalan niya muna si de Castro dahil naka-session break ang Senado ng isang buwan.
Kinonsidera rin aniya ni dela Rosa ang mga taong maiiwan para magbantay kay de Castro lalo’t sa susunod na linggo ay semana santa na.
Sinabi naman ng senador, na kapag nagkaroon naman ng pagdinig ay iapapatawag niya ulit si de Castro.
Una na aniyang nagpaalam si dela Rosa kay Senador Robin Padilla, na siyang nagmosyon na ipa-contempt at arestuhin si de Castro, at pumayag naman si Padilla na pakawalan muna ang pulis. | ulat ni Nimfa Asuncion