Tiwala si Senate President Juan Miguel Zubiri na tiyak na pipirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang magtatatag sa Negros Island Region (NIR), bilang bahagi ito ng priority measure ng administrasyon.
Ayon kay Zubiri, sa ngayon ay 99 na porsiyento nang tapos ang naturang panukala.
Bahagi aniya ito ng pangako ni Zubiri sa naging pagpupulong ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Sa ilalim ng naturang panukala, isinusulong na pagsamahin sa ilalim ng iisang administrative region ang Negros Occidental, Negros Oriental at Siquijor.
Sa ngayon ay in-adopt na ng Kamara ang Senate version ng NIR bill.
Sinabi rin ng senate leader, na kailangan na lang itong mai-transmit kay Pangulong Marcos para mapapirmahan at ganap nang maging isang batas.
Oras na maisabatas ay ihahanda na aniya nila ang pondo para dito sa susunod na taon. | ulat ni Nimfa Asuncion