Namataan ang labing-siyam na species ng waterbirds sa pinakahuling Asian Waterbird Census o AWC na isinagawa sa apat na sites na sakop ng CENRO Catanauan, Quezon, partikular sa Brgy. Patabog, Mulanay; Brgy. Silongin, San Francisco; Brgy. Luctob, Macalelon; at Brgy. Alibijaban, San Andres.
Ayon sa pabatid ng DENR Calabarzon, kabilang sa species na naitala sa Brgy. Patabog ang common moorhen at Philippine duck, samantalang sa Brgy. Silongin at Luctob, karamihan sa mga namataan ay ang little egret at wood sandpiper. Namataan naman sa Brgy. Alibijaban ang Nankeen night herons.
Iba’t ibang species ng ibong egret ang nakitang nanginginain sa Alibijaban Wilderness Area, at sa natuyong inland wetland sa timog na bahagi ng nasabing protected area.
Naitala rin ng grupo mula sa CENRO ang Kentish plover sa Brgy. Silongin, na anila’y bibihira lamang makita, gayundin ang isang Great frigatebird.
Ayon sa CENRO Catanauan, ang populasyon ng waterbirds na nakita at naitala sa census ay patunay na ang nasabing sites ay magandang tahanan ng waterbird species, maliban lamang sa Brgy. Silongin sa San Francisco, dahil sa pamamahay ng mga tao sa mga baybay-dagat. | ulat ni Mara Grezula | RP1 Lucena