Nakipagpulong si Agri Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., kay FDA Director General Dr. Samuel A. Zacate para mapabilis ang procurement ng veterinary vaccines.
Kasunod na rin ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Private Sector Advisory Council (PSAC) Health Sector Group Meeting na agarang tugunan ang banta ng African Swine Fever (ASF) at Avian Influenza (AI) viruses sa bansa.
Kasama sa tinalakay sa pulong ng dalawang opisyal ang pag-usad sa proseso ng accreditation sa bakuna kontra ASF at AI.
Bukod dito, pinag-usapan din ang pagpapaigting sa border control katuwang ang Bureau of Customs (BOC) para mapigilan ang pagpasok ng illegal food products sa bansa.
Una nang tiniyak ng kalihim ang pagpapalawak sa mga programa para mapabilis ang pag-recover ng hog industry mula sa epekto ng ASF. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📷: FDA