Naghain si Senador Sherwin Gatchalian ng resolusyon para masuri nang husto ang pagbili o procurement ng Department of Education (DepEd) ng mga textbook at iba pang learning materials.
Sa Senate Resolution 972 ni Gatchalian, pinunto nito ang Year One report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II).
Dito lumabas na simula noong ipatupad ang K to 12 curriculum noong 2013, 27 lang ang nabili ng DepEd na mga textbook titles mula sa 90 na kinakailangan para sa Grade 1 hanggang 10.
Lumabas din sa pag-aaral ng komisyon na mga mag-aaral lamang sa Grade 5 at 6 ang mga may kumpletong textbook para sa lahat ng subject.
Pinuna rin ng EDCOM na hindi nagamit nang husto ang pondong inilaan para sa mga textbook at instructional materials.
Giit ni Gatchalian, napapanahong masuri kung paano matutugunan ang mga hamong kinakaharap ng ating sistema ng edukasyon pagdating sa kakulangan ng mga aklat.
Ito ay sa gitna na rin aniya ng inaasahang rollout ng MATATAG curriculum simula School Year 2024-2025. | ulat ni Nimfa Asuncion