Pinawi ni Infectious Diseases Expert Dr. Rontgene Solante ang pangamba ng publiko kaugnay sa respiratory disease na Pertussis.
Pahayag ito ng eksperto makaraang magdeklara ng outbreak ang Lungsod Quezon, kasunod ng apat na kaso ng sanggol na nasawi mula dito.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, ipinaliwanag ni Solante na hindi bago ang sakit na ito.
Ang kailangan lamang gawin ng publiko, magpabakuna laban dito lalo na iyong kabilang sa vulnerable population.
Hindi kasi aniya basta-basta ang sakit na ito lalo’t maaaring mauwi sa kumplikasyon o pagkasawi, lalo na sa hanay ng mga bata.
Makatutulong rin ang pagsusuot ng facemask upang maiwasan na ang pagkalat pa nito.
“Napakaimportante na ma-prevent natin ang pagdami ng kaso dahil alam naman natin na hindi lang ang Quezon City ang puwedeng madapuan nito kundi buong National Capital Region because dense ang population. Puwedeng magkakahawa-hawaan ang mga bata, including iyong mga adult population iyong may mga edad na, hindi iyan exempted sa mga ganitong klaseng impeksiyon.” —Dr. Solante. | ulat ni Racquel Bayan