Simula alas-12:01 kanina, nakataas na ang heightened alert status sa buong hanay ng Philippine National Police (PNP).
Ito’y ayon sa PNP, kasunod na rin ng inaasahang pagdagsa ng mga tinatawag na areas of convergence gaya ng mga paliparan, pantalan, transportation hubs gayundin ang mga simbahan na magsasagawa ng mga aktibidad ngayong Semana Santa.
Kasunod niyan, sinabi ni PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, magtatagal ang heightened alert status para sa Semana Santa hanggang April 1.
Pero magtutuloy-tuloy aniya ang naturang alerto kaalinsabay naman ng kanilang Oplan Ligtas SumVac na tatagal naman hanggang May 31.
Una nang tiniyak mismo ni PNP Chief, Police General Benjamin Acorda Jr. na wala silang namo-monitor na anumang banta sa seguridad pero lagi nilang pinaghahandaan ang “worst case scenario” upang hindi sila magbaba ng kalasag.
Dahil dito, nakakalat na ang 52,000 mga pulis sa mga matataong lugar upang tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga bibiyahe gayundin ng mga lalahok sa mga aktibdad kaugnay ng Semana Santa.
Bukod pa ito sa mahigit 87,000 tauhan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Metro Manila Development Authority (MMDA), at mga Lokal na Pamahalaan. | ulat ni Jaymark Dagala