Maituturing pa ring matagumpay ang isinagawang rotation and re-supply mission ng Philippine Navy gayundin ng Philippine Coast Guard sa Ayungin Shoal nitong weekend.
Ito ang tinuran ni National Security Council Chairperson, Secretary Eduardo Año kasunod ng panibagong water cannon incident ng China Coast Guard sa Unaizah May 4 na isa sa mga re-supply ship ng bansa.
Ipinabatid pa ni Año na batay sa naging ulat sa kaniya, tatlong tauhan ng Philippine Navy na sakay ng Unaizah May 4 ang nasugatan sa panibagong water cannon incident kaya’t hindi na ito nakatuloy.
Gayunman, sinabi ng kalihim na nakarating pa rin sa BRP Sierra Madre ang lahat ng mga supply at kagamitang kailangan ng mga sundalong nakahimpil doon.
Katunayan, nakatakda silang makipagpulong kay Executive Secretary Lucas Bersamin kasama ang Security Cluster ng pamahalaan para talakayin ang pinakabagong insidente.
Dito aniya sila bubuo ng isang rekomendasyon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaugnay sa mga usaping bumabalot sa West Philippine Sea.
Sa ngayon, sinabi ni Año na ligtas nang nakabalik ng Palawan ang Unaizah May 4 at hind na ito kinailangan pang batakin dahil naka-andar pa naman ito matapos ang insidente. | ulat ni Jaymark Dagala