Hinikayat ni KABAYAN party-list Rep. Ron Salo ang mga Pilipino sa Kuwait na samantalahin ang inanunsyong Visa Amnesty Program ng Kuwaiti government.
Epektibo simula March 17 hanggang June 17, 2024, ang naturang visa amnesty na magsisilbing lifeline para sa mga indibidwal na may paso nang visa para maayos ang kanilang status.
Para kay Salo, kapuri-puri ang naturang hakbang ng Kuwait upang matulungan ang isa sa mga problemang kinakaharap ng mga kababayan Pilipino.
“This amnesty initiative by the Kuwait Ministry of Interior is a commendable step towards resolving the issues faced by our ‘kababayans’ whose visas have already expired. It provides a path for individuals to regularize their residency status or safely return to their home countries,” sabi ni Salo.
Sa ilalim ng programa ang mga indibidwal, kasama ang mga Pilipino, na may expired visa ay maaaring i-legalize ang kanilang residency sa pamamagitan ng pagbabayad ng multa o kaya naman ay mag-exit sa Kuwait nang walang penalty.
Pagsisiguro naman ng House Committee on Overseas Workers Affairs Chair na aktibo silang nakikipag-ugnayan sa Department of Migrant Workers para matulungan ang mga Pilipino na nais mag-avail ng amnesty.
Nakatakdang magtungo si Salo at ang ilan pang mambabatas sa Kuwait pagkatapos ng Ramadan, sa April 20 hanggang April 23 upang alamin ng kasalukuyang sitwasyon ng mga OFW doon para sa posibleng pag-aalis ng deployment ban sa Kuwait. | ulat ni Kathleen Jean Forbes