Tiwala ang Land Transportation Office (LTO) na malulutas na ang 4.1 milyong backlog ng plastic card para sa driver’s license.
Pahayag ito ni LTO Chief Vigor Mendoza, kasunod ng desisyon ng Court of Appeals na nagtanggal ng writ of preliminary injunction na naunang inilabas ng Quezon City RTC para sa paghahatid ng mahigit tatlong milyong piraso ng plastic card na ginagamit sa pag-imprenta ng driver’s license.
Ngayong hapon, hindi bababa sa isang milyong piraso ng plastic card, ang naihatid sa LTO.
Ito’y matapos atasan ni Mendoza ang ilang opisyal ng ahensya na makipag-ugnayan sa Banner Plastics Card, Inc. para sa agarang paghahatid ng mga plastic card.
Nag-ugat ang kaso sa isinampa ng natalong bidder na Allcards Inc. sa pagbili ng humigit-kumulang 5.2 milyong piraso ng plastic card noong nakaraang taon.
Ang nanalong bidder, ang Banner Plastic Card Inc. ay nakapaghatid na ng halos 2 milyong piraso nang maglabas ng writ of preliminary injunction ang korte sa Quezon City.
Dahil dito, inapela ng LTO ang kaso sa Court of Appeals. | ulat ni Rey Ferrer