Nasa mahigit 1,000 na lang ang nalalabing pwersa ng New Peoples Army (NPA) sa buong bansa.
Ito ang inihayag ni National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr. sa regular na pulong balitaan ng NTF-ELCAC kahapon.
Ang pahayag ay ginawa ni Usec. Torres sa gitna ng disimpormasyong kinakalat ng mga komunista para palabasin na may saysay pa ang kanilang kilusan.
Ayon kay Torres malaking dagok sa mga teroristang komunista ang pagkakanutralisa ng mahigit 400 miyembro at supporter mula Enero hanggang Marso ng taong kasalukuyan.
Sa ngayon aniya ay zero na ang aktibong Guerilla Front (GF) ng NPA, at 11 na lang ang napahinang GF, na magiging walo na lang sa napipintong deklarasyon ng pagbuwag ng dalawang GF sa Visayas at isa sa Mindanao sa nalalapit na panahon.
Dagdag ni Torres, kamakailan lang ay idineklara nang insurgency-free ang Ilocos, Zamboanga Peninsula, at Davao Regions; at ang Surigao del Norte nito lang nakaraang March 15. | ulat ni Leo Sarne