Iginiit ni Senate Majority leader Sen. Joel Villanueva na naghain na siya ng reoslusyon sa Senado (Senate Resolution 859) para manawagan sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na rebyuhin ang plano sa pagresolba ng mabigat ng daloy ng trapiko sa bansa.
Kabilang sa mga kinalampag ng senador sa naturang resolusyon ang Department of Transportation (DOTr), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ang Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay Villanueva, mahalagang magkaroon ng konkretong plano ang gobyerno sa pagtugon sa lumalalang problema sa trapiko sa bansa.
Pinunto ng senador na bukod sa economic losses na idinudulot ng traffic ay mayroon rin itong personal, social at environmental impacts.
Ang lumalalang trapiko rin aniya ang dahilan kaya isinulong rin ng majority leader ang pagpapasa ng Republic Act 11165 o ang “work-from-home” law noong 17th Congress.
Binigyang diin ni Villanueva na dapat payagan ang mga kumpanya at empleyado na magkaroon ng flexible work arrangements sa halip na imandato ang mga manggagawa na pumunta pa sa mga opisina araw-araw at masayang ang ilang oras dahil sa traffic.
Mahalaga rin aniyang pag-aralan ng pamahalaan ang mga panukala tungkol sa unti-unting conversion ng mga pampublikong bus sa electric vehicles at kung paano ito mas magiging convenient sa mga komyuter at mababawasan ang environmental impact ng traffic congrestion sa bansa.| ulat ni Nimfa Asuncion