Naglabas ng ilang paalala ang grupong BAN Toxics sa publiko para mas maging makabuluhan ang paggunita ng Semana Santa.
Ayon sa grupo, sa pagninilay-nilay ng ating mga kababayang Kristiyano, dapat na bigyang halaga rin ang kalikasan.
Kabilang sa paalala nito ang paglimita sa paggamit ng electronic gadgets gaya ng smartphone, computer, TV, at iba pa.
Ayon sa grupo, gawin itong oportunidad para sa makabuluhang ‘bonding’ kasama ang mga kapamilya.
Para sa mga magsasagawa ng Visita Iglesia, iwasan ang pagbili ng mga produktong gumagamit ng single-use plastic.
Huwag rin aniyang magkalat sa loob o labas ng simbahang pupuntahan.
Mas mainam din kung maglakad na lamang papuntang simbahan. Bukod sa makakabawas ito sa carbon emissions, ay mas makakatipid at makaka-ehersisyo pa.
Samantala, para sa mga magbabakasyon naman, huwag aniyang magkakalat ng basura sa mga pupuntahan.
Magdala ng reusable na kitchenware, gaya ng plato, kubyertos, at container ng pakain at tubig at huwag na huwag magtatapon o mag-iiwan ng basura sa mga baybayin. | ulat ni Merry Ann Bastasa