Nanawagan si House Committee on Metro Manila Development Vice Chair Joel Chua sa DPWH at MMDA na tapusin ang mga infrastructure at flood control projects habang summer pa.
Ayon sa mambabatas, oras na tumama ang La Niña o panahon ng tag-ulan nang hindi ito natatapos ay hindi malayo na lalong lalala ang problema sa trapiko.
Ang pahayag ng mambabatas ay kasunod ng mungkahi ng grupong Management Association of the Philippines (MAP) na magdeklara ng state of calamity sa Metro Manila dahil sa lumalalang traffic congestion na nagreresulta ng P3.5 billion na economic loss kada araw.
Sabi ni Chua, kung kinakailangan ay isagawa ang construction 24/7 para hindi maperwisyo ang publiko pagsapit ng habagat, baha, at bagyo.
Muli rin nanawagan si Chua para sa dagdag na linya ng tren o subway.
Sa ganitong paraan, mas mababawasan ang pagdadala ng mga sasakyan at mas luluwag ang kalsada.
“If we can provide our citizens with proper monorail, light rail, and subway systems, the need to bring a car onto the roads will decrease. Why would you bring a car when it’s faster and more convenient to take the train? Napakalaking ginhawa ang idudulot niyan para sa napakaraming tao na nagco-commute to and from Cavite and Laguna daily at weekly. Meron kasing population explosion sa Muntinlupa, Parañaque, Cavite, at Laguna. Pwede ring idiretso ang light rail along Roxas Boulevard straight to the new airport being built in Bulacan.” ani Chua. | ulat ni Kathleen Jean Forbes