Pinaghahandaan na ng National Food Authority ang pagbili ng maraming palay sa local farmers ngayong summer harvest para sa buffer stock ng bigas sa bansa.
Ayon kay NFA OIC-Administrator Larry Lacson na ngayon ay nasa Bicol Region, gumagamit na ng istratehiya ang NFA para makipagkumpitensya sa private traders.
Ito ay ang paghingi ng tulong sa local government units para magdagdag ng premium price sa buying price ng NFA sa pamamagitan ng Palay Marketing Assistance Program for Legislators and Local Government Units (PALLGU).
Isa sa mga LGU na pumayag na tumulong sa NFA sa procurement program nito ay ang lalawigan ng Camarines Norte.
Sinabi ni Lacson, sumang-ayon si Camarines Norte Governor Ricarte Padilla na magdagdag ng P5 sa kada kilo ng buying price ng NFA para sa kabuuang presyo na P28 bawat kilo para sa clean at dry palay, at hanggang P24 para sa wet o fresh harvest.
Mula noong Setyembre 20, 2023, itinaas na ng NFA ang buying price ng palay sa P23 kada kilo para sa clean at dry palay.
Ang fresh palay na may moisture content mula 22%-29% ay tinatanggap na may presyong mula P19 kada kilo. | ulat ni Rey Ferrer