Hinarang ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang operasyon ng Binance cryptocurrency site sa PIlipinas.
Ito’y matapos malaman na nag-aalok ang Binance ng investment at trading platform na walang pinanghahawakang lisensya mula sa SEC.
Sa pahayag na inilabas ng regulator, sinabi nito na patuloy nilang haharangin ang online presence ng Binance at hihingiin ang tulong ng National Telecommunications Commission (NTC) para sa pagharang sa website at iba pang mga web page na ginagamit ng kumpanya.
Ayon pa sa SEC, ang grupo ay gumagamit ng mga promotional campaign sa social media upang akitin ang mga Pilipino sumali sa mga investment activities nito gamit ang kanilang online platform.
Maalalang noong Nobyembre ng nakaraang taon, naglabas ng pampublikong advisory ang SEC upang balaan ang publiko laban sa pamumuhunan at paggamit ng Binance.
Nitong nakaraang Pebrero, ipinagutos din ng NTC sa lahat ng internet service provider na i-block ang mga website at app ng OctaFX at MiTrade para sa proteksyon ng publikong namumuhunan sa kahilingan ng SEC. | ulat ni Melany Reyes