Sinimulan na ng National Irrigation Administration (NIA) ang pagpapaigting sa mga irigasyon sa MIMAROPA Region.
Kasunod ito ng inilunsad na irrigation projects sa probinsya ng Oriental Mindoro na kinabibilangan ng Maliwanag Communal Irrigation System at Sagana Communal Irrigation System.
Ayon kay NIA Acting Division Manager Maria Victoria Malenab, malaking bilang ng mga magsasaka ang makikinabang sa irigasyon sa sandaling matapos ito.
Bukod pa dito, tututukan din ng NIA ang mga dam at mga water pump na makakatulong upang maiwasan ang kakulangan ng tubig sa bansa.
Layon nitong mapalawak at mapabuti ang aktibidad sa pagtatanim at matulungan ang mga magsasaka sa pagpapalago ng kanilang mga produkto.
Pagtiyak pa ng NIA na magpapatuloy ang kanilang misyon upang mapanatili ang paglago at kaunlaran sa sektor ng agrikultura. | ulat ni Rey Ferrer