Hinimok ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga undocumented overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait na samantalahin ang Amnesty Program na ibinibigay ng pamahalaan ng nasabing bansa.
Kasunod ito ng anunsyo ng gobyerno ng Kuwait na magbibigay ito ng tatlong buwang amnesty period simula March 17 hanggang June 17 para sa mga migranteng manggagawa na hindi na valid ang pananatili sa kanilang bansa.
Batay sa inilabas Advisory No. 1 ng DMW-Migrant Workers Office sa Kuwait, nakasaad ang mga proseso na kinakailangang sundin ng mga OFW na nais mag-avail ng amnesty.
Kabilang sa nakasaad sa amnesty program ay:
-Ang mga overstaying foreigner ay maaaring lumisan ng Kuwait at hindi na pagmumultahin ng immigration. Pero ang mga may travel ban at pending na kasong kriminal na makakaalis lamang kapag na-resolba na ang kanilang kaso.
– Ang mga overstaying foreigner na nais na ipagpatuloy ang kanilang residente sa Kuwait ay maaaring palawigin ang kanilang immigration status, pero sila ay magbabayad ng overtstaying fine at kinakailangan isumite ang mga rekisitos.
-Ang mga overstaying foreigner na aalis sa Kuwait sa panahon ng amnesty period ay maaaring makabalik kapag naisumite ang mga entry requirement.
Matapos ang grace period, ang mga undocumented na OFW na hindi aalis ay maaaring arestuhin at ipa-deport.
Batay sa MWO-Kuwait hanggang noong December 2023, mahigit 10,000 undocumented na mga Pilipino ang nananatili sa Kuwait. | ulat ni Diane Lear