Humirit si SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta sa House Committee on Public Accounts na magkasa ng pormal na imbestigasyon kaugnay sa isyu ng pagtatapyas ng pondo sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa ipinatawag na briefing ng Komite hinggil sa estado ng pagpapatupad ng programa, sinabi ni DSWD Sec. Rex Gatchalian sa mga kongresista na isa sa nakikita nilang dahilan kung bakit binawasan ang pondo ng 4Ps ngayong 2023 ay dahil sa kanilang under utilization ng budget nong mga nakaraang taon.
Gayunman, lumiham aniya sila sa Kamara at Senado para hingin na sana’y huwag mabawasan ng kanilang pondo dahil gumagawa na sila ng mga pagtatama sa Listahanan.
Ani Marcoleta, hindi maitatama ng isang mali ang isa pang pagkakamali.
Giit pa ng mambabatas ang 4Ps ay isang pantawid lamang na programa at dahil sa bawas sa pondo ay posibleng mas mahirapan ang DSWD na tulungan ang mga benepisyaryo.
“…ang foundation ng program na ito. Konting galaw mo lang ito baka bumagsak siya ulit. So dapat sana kung sino man responsible sa gumawa nito, inisip niyang mabuti ito,” sabi ni Marcoleta.
Kaya naman apela ni Marcoleta na magkaroon ng pormal na pagsisiyasat upang malaman ano ang nangyari sa pondo, sino ang nag lipat o nag tapyas nito at kung kakayanin ay maibalik ang halagang nawala.
“This is a very serious issue Mr. Chair. Sana we should have a formal inquiry. Sino ang responsible from here? Nasaan pagkatapos ng mag-BICAM nawala bigla? Let us do everything possible. Not only probably to identify who is or are responsible, but maybe better, yung maibalik sana natin ito,” diin ni Marcoleta.| ulat ni Kathleen Forbes