Pasado na sa Kamara ang panukalang batas na magmamandato sa mga developer ng subdivision na maglaan ng espasyo para sa telecommunication facilities.
Layon ng HB 9870 o Housing Development Digital Connectivity Act na masiguro ang tuloy-tuloy na access sa isang maaasahan at abot-kayang information and communications technology.
Aamyendahan ng panukala ang Presidential Decree No. 957 na nag aatas sa mga developer ng subdivision na maglaan ng 30 percent ng kanilang gross area para sa open space para sa mga parke, playground at iba pang recreational use upang maisama dito ang utility space para sa telecommunication facilities at infrastructure gaya ng cell sites at base stations.
Maaaring direktang bilhin ng ICT provider ang naturang espasyo sa halaga na katumbas ng fair market value ng lupa o sa pamamagitan ng long-term lease.
Sa kabila nito lahat ng ICT infrastructure na itatayo sa isang existing subdivision ay non-exclusive at maaaring gamitin ng lahat ng ICT providers.| ulat ni Kathleen Forbes