Nanawagan si AGRI Party-list Representative Wilbert Lee sa Department of Agriculture na mas higpitan ang pagbabantay sa presyo ng bilihin, lalo na ng isda at gulay, ngayong Holy Week.
Mungkahi pa ng mambabatas na magtakda ng suggested retail price sa mga pangunahing bilihin.
Aniya, bagamat may inilalabas araw-araw na prevailing retail prices ang DA para sa mga bilihin gaya ng karne at gulay, mas mainam sana na SRP na lang upang magkaroon ng batayan ang ating mga kababayan kung overpriced na ba o hindi ang binibili nilang mga paninda.
Giit pa nito na bagamat natural nang tumaas ang presyo ng gulay at isda kapag Mahal na Araw ay dapat pa ring magpatupad nang mas mahigpit na pagbabantay ang DA at Department of Trade and Industry (DTI) sa presyo ng mga pangunahing bilihin at tiyaking hindi sobra-sobra ang taas-presyo.
Una na kasing sinabi ng DA na maaaring tumaas ng 10 hanggang 20 porsyento ang retail price ng isda ngayong Holy Week kahit pa may sapat namang suplay.
“Bantayan po sana ng DA at DTI ang mga magsasamantala, lalo na ngayong Mahal na Araw, na papatungan ang presyo ng kanilang mga paninda hanggang sa umabot na sa ‘di makatarungang presyo. If there is ample supply of fish, then the price increases should not be so significant even though it is the Holy Week. Huwag naman po nating pabigatin pa ang pasanin ng marami nating kababayan,” sabi ni Lee.
Hiling din ng mambabatas na gawin ng DA ang kanilang price monitoring sa provincial at regional level. | ulat ni Kathleen Jean Forbes