Ilang opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nakipagdayalogo sa mga dating miyembro ng Dawlah Islamiyah sa Marawi City, Lanao del Sur.
Ito’y bahagi ng pagsisikap ng DSWD upang mapabuti ang mga programang pangkapayapaan at pagpapaunlad ng ahensya.
Ayon kay DSWD Undersecretary for Inclusive-Sustainable Peace and Special Concerns Alan Tanjusay, nakipagpulong ang DSWD team sa mga dating miyembro na na-recruit ng Dawlah Islamiyah noong bata pa ang mga ito.
Gayundin sa mga balo ng mga kumander na napatay sa mga sagupaan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan.
Binigyan din sila ng cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng ahensya.
Nauna rito, binisita ng DSWD team ang mga komunidad na apektado ng conflict sa Sulu. Gayundin nakapanayam ang mga dating miyembro ng Cordillera Bodong Administration-Cordillera People’s Liberation Army (CBA-CPLA), isang breakaway group ng CPP-NPA sa Mt. Province.| ulat ni Rey Ferrer