Hinikayat ni Senador Francis Tolentino ang Department of Foreign Affairs (DFA) na magtatag ng mga research and development alliances kasama ang mga maritime countries para makakuha ng international support matapos ang water cannon attack ng china coast guard noong nakaraang Sabado sa misyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang mungkahi ng senador para sa mga bansang wala pang defense pact o treaty ang Pilipinas.
Kabilang sa mga bansang iminungkahi ni Tolentino na maaaring magkaroon ng research and development treaty ang Pilipinas ay ang Norway, The Netherlands at iba pang mga bansa sa Europa at Latin America.
Samantala, sang-ayon naman ang mambabatas sa pagsusulong ng mga joint patrol at joint exercises kasama ang mga bansang may defense treaties na ang Pilipinas.
Sa kabila nito, hindi inaasahan ni Tolentino na matatapos ang paglabag ng China sa mga karapatan ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ng 2016 Arbitral Ruling.
Inirerekomenda ng senador ang pag-recall ng Philippine envoy sa Beijing bilang tugon sa mga aksyon ng China laban sa Pilipinas sa WPS.
Iginiit naman ni Tolentino na dapat pa ring ipagpatuloy ng Pilipinas ang pagdadala ng mga suplay o resupply mission sa mga sundalo na nakatalaga sa Ayungin Shoal. | ulat ni Nimfa Asuncion