Isinagawa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Bayanihan sa Barangay Project ng ahensya sa Barangay Balong Bato sa Lungsod ng San Juan ngayong araw.
Layon ng programa na isulong ang pagkakaisa sa mga residente at panatilihing malinis ang kanilang komunidad.
Pinangunahan nina MMDA Acting Chairman Atty. Romando Artes at San Juan City Mayor Francis Zamora ang programa kasama ang ilang opisyal ng ahensya at ng LGU.
Iba’t ibang aktibidad ang isinagawa ng mga kawani ng MMDA gaya ng drainage declogging, anti-dengue misting operation, pagtatabas ng mga sanga ng puno, sidewalk clearing, at pagsasaayos ng mga pavement markings at traffic signages.
Bukod dito, inihanda rin ng mga residente ang kanilang mga basura na kanilang ipinalit sa mga grocery item sa MMDA Mobile Materials Recovery Facility na proyekto rin ng ahensya.
Tampok din ang one-stop shop query service para sa mga motorista na gustong i-check kung mayroong violation ang kanilang mga sasakyan.
Nagpasalamat naman ang San Juan LGU sa mga serbisyo na handog ng Bayanihan sa Barangay Project ng MMDA sa kanilang lungsod. | ulat ni Diane Lear