Patuloy pa ring kumikilos ang front organizations ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa ibayong dagat para pabagsakin ang pamahalaan.
Ito ang binunyag ni National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr. sa pulong balitaan ng NTF-ELCAC.
Ayon kay Torres, ang International League of Peoples’ Struggle (ILPS) na itinatag ni CPP Founding Chair Jose Maria Sison noong 2001, ay nananatiling seryosong banta sa pambansang seguridad.
Sa kabila aniya ng tagumpay sa pagbubuwag ng mga pwersa ng kilusang komunista sa bansa, kailangan din aniyang palakasin ang international engagement ng pamahalaan para malantad ang mga aktibidad ng kwestyonableng dayuhang organisasyon na umano’y nagpopondo sa mga lokal na teroristang komunista.
Inilahad ni Torres na si si Liza Maza ng Gabriela ang nagsisilbing Secretary General ng ILPS; at kabilang sa mga opisyal sina Elmer Labog, ang National Chairperson ng Kilusang Mayo Uno (KMU); Rafael Mariano, ang Chairperson ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP); at Antonio Tujan, ang Director ng Ibon International. | ulat ni Leo Sarne