Hindi tuloy ngayong araw ang nakatakda sanang retirement honors para kay Philippine National Police (PNP) Chief, P/General Benjamin Acorda Jr. gayundin ang Change-of-Command Ceremony ngayong araw.
Ito’y ayon sa PNP, kasunod ng abisong natanggap nila mula sa Palasyo ng Malacañang kahapon subalit maliban dito ay wala nang inilabas na iba pang detalye hinggil sa dahilan ng kanselasyon ng okasyon.
Gayunman, batay sa abiso ng PNP Public Information Office, iniurong ang nasabing okasyon sa April 1 o Lunes matapos ang Semana Santa.
Hanggang sa mga sandaling ito ay wala pa ring ini-aanunsyo ang Palasyo hinggil sa kung ano ang magiging kapalaran ni Acorda kung ito’y papalitan o mapapalawig pa ang termino sa harap ng napipintong pagtatapos ng extension nito sa March 31.
Una nang tiniyak ng PNP na kanilang pinaghahandaan ang anumang posibilidad sa hinaharap dahil nakadepende naman ito sa anumang magiging pasya ng Pangulo bilang kanilang Commander-in-Chief.
Kahapon, namataan ng Radyo Pilipinas ang ginagawang pagsasanay sa transformation oval ng Kampo Crame kung saan sana gagawin ang seremonya. | ulat ni Jaymark Dagala