Ikinokonsidera ni Senate Committee on Ways and Means Chairperson Senador Sherwin Gatchalian na maghain ng resolusyon para makapagkasa ng pagdinig sa Senado tungkol sa kaugnayan ng Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa operasyon ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa kanilang bayan.
Ito ay matapos isiwalat ng senador ang ilang mga dokumento na posible aniyang mag-ugnay sa alkalde sa operasyon ng na-raid na POGO na Hongsheng Gaming Technology, Inc. na ngayon ay Zun Yuan Technology Inc. na.
Ayon kay Gatchalian, hindi maaaring maghugas kamay si Mayor Guo dahil hindi naman kalakihan ang bayan ng Bamban at iilan lang ang pumapasok na negosyo doon.
Batay sa mga dokumento, si Guo ang nag-apply noon ng lisensya para sa Hongsheng Gaming Technology, Inc. bago siya naging alkalde.
Nakapangalan din sa alkalde ang electric bill ng kumpanya mula sa TARELCO II at may SUV na nakuha sa compound ng naturang POGO company na nakapangalan din kay Guo. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion