Nakaantabay na rin ngayong Semana Santa ang Disaster Management and Response Teams ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) pati na ang lahat ng field offices nito para umalalay sa anumang insidente.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, kasama sa direktiba ni Secretary Rex Gatchalian ang matiyak na may nakahandang deployment ang ahensya sakali mang kailanganin ito.
Mananatili rin aniyang bukas ang communication lines ng disaster response teams sa Field Offices kahit sa panahon ng Semana Santa.
Bukod sa Quick Response Teams (QRT), nananatili rin aniyang nakahanda ang National Resource and Logistics Management Bureau (NRLMB) sa pagtitiyak ng sapat na food at non-food items para sa resource augmentation ng LGUs.
Regular na nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa PAGASA para sa lagay ng panahon sa iba’t ibang sulok ng bansa.
Sa kasalukuyan, mayroong higit sa ₱388-million standby funds ang DSWD at higit sa 1.2-million family food packs (FFPs) na naka-pre-position sa mga strategic areas sa bansa.
“We urge the public to stay safe, remain vigilant, and heighten awareness to avoid emergencies, particularly during the Lenten Season break,” pahayag ni Dumlao. | ulat ni Merry Ann Bastasa