Malaki ang nakikitang pagtaas ng kaso ng tigdas sa Bangsamoro Region, ito ang naibahagi ni Dr. Fahra Tan-Omar, tagapamahala ng Integrated Provincial Health Office – Sulu Provincial Hospital o IPHO-SPH, kasabay ng pagdeklara nito ng measles outbreak sa lalawigan.
Bagamat ramdan sa buong bansa ang sakit na tigdas, 80 porsyento aniya sa mga kaso na naitatala ngayon ay mula sa BARMM, malaking bilang dito ay mula sa Lanao.
Umabot na rin aniya sa 111 ang kaso ng tigdas sa Sulu sa unang tatlong buwan ng 2024, kung saan pito dito ang aktibo, tatlo dito ang naka-admit sa IPHO habang ang apat sa Sulu Sanitarium and General Hospital.
Nakita ang pagtaas ng sakit nitong Enero na agad tinugunanan ng health sector sa pamamagitan ng mas maigting na pagbabakuna na nagpatuloy aniya hanggang Pebrero.
Bagama’t ngayon nakitaan ng pagbaba sa mga naitatalang kaso, hindi aniya magpapabaya ang IPHO-SPH at patuloy ang pagbabakuna sa mga batang edad anim na buwan hanggang 10 taon.
Handa rin aniya sila sa isasagawang Provincial-wide vaccination para sa tigdas, kung saan bukod sa nakaimbak na mga bakuna inaasahan din nila ang pagdating ng karagdagang bakuna laban sa Measles bilang tugon dito.
Nakikitang dahilan ng pagsirit ng kaso ani Omar ang kakulangan sa bakuna ng mga bata lalo na nitong panahon ng pandemya kung saan nilimitahan ang paglabas ng mga vulnerable age group dahil sa coronavirus.
Dahil dito, bumaba ang bilang ng mga bakunadong bata at tumaas ang panganib na mahawa ang mga ito lalo mabilis ang pagkalat ng naturang sakit. | ulat ni Eloiza Mohammad | RP1 Jolo
📷WHO