Inihain ni Agusan del Norte Representative Dale Corvera ang isang panukala na layong mabigyan ng limang araw na paid calamity leave ang mga empleyado na apektado ng kalamidad.
Layon ng House Bill 10182 o Calamity Leave Law na matulungan ang mga indibidwal at kanilang pamilya na lubhang naapektuhan ng kalamidad gaya ng bagyo, lindol, storm surge, at pagbaha.
Sakaling maisabatas, magkakaroon ng calamity leave ang mga empleyado na nakatira sa mga lugar kung saan idineklara ng Pangulo o ng lokal na Sanggunian ang State of Calamity alinsunod sa Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.
Pasok dito ang mga empleyado na nakapagtrabaho na ng hindi bababa sa anim na buwan.
Ang naturang leave ay maaaring gamitin ng magkakasunod na araw o magkakahiwalay.
Para sa mga empleyado ng gobyerno na ang trabaho ay may kaugnayan sa pagbibigay ng pangunahin at pangkalusugang serbisyo, preparedness/response sa natural disaster o calamity, at/o iba pang pangunahing serbisyo kapag may kalamidad–maaaring gamitin ang kanilang calamity leave simula sa pagkaka-alis ng State of Calamity hanggang sa 10 araw matapos ito.
Hindi naman maaaring ipunin ang calamity leave at hindi rin ito convertible sa cash. | ulat ni Kathleen Jean Forbes