Muling iginiit ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na hindi sasantuhin ang sinumang tauhan na gumagawa ng kalokohan sa pagtupad sa tungkulin tulad ng paghingi ng suhol.
Pahayag ito ng alkalde matapos na maaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District Criminal, Investigation and Detection Unit ang isang empleyado ng Quezon City Hall dahil sa kasong robbery extortion.
Kinilala ang empleyadong si Joel Avila, opisyal ng Quezon City Engineering Office at naaresto noong March 23 dahil sa umano’y makailang beses na paghingi ng suhol sa isang negosyante kapalit ang mabilis na pagproseso ng kanyang business building permit, business permit, zoning, at certificate of exemption, para sa warehouse ng kanyang pet food business.
Pagtitiyak naman ni Mayor Belmonte, mananagot ang naturang kawani oras na mapatunayan ang mga alegasyon laban sa kanya.
“We won’t tolerate these few bad eggs. We will make sure that they are punished to the full extent of the law to prove that we are serious in eradicating corruption,” ani Belmonte.
Kasunod nito, hinikayat ni Mayor Joy ang lahat ng residente sa lungsod na nakaranas din ng ganitong modus sa sinumang kawani ng pamahalaang lungsod na i-report ito sa Quezon City E-services portal.
“Reports that are made through the QC E-services site will go straight to the top, and these will be handled with utmost confidentiality and urgency,” dagdag ni Belmonte. | ulat ni Merry Ann Bastasa