Na-nutralisa ng mga tropa ng 59th Infantry “Protector” Battalion ng 201st Infantry “Kabalikat” Brigade sa ilalim ng 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division ang isang mataas na lider ng New People’s Army (NPA) at dalawang miyembro ng teroristang grupo sa engkwentro sa Brgy. Leviste Rosario, Batangas kahapon, Marso 26.
Nasawi sa pakikipaglaban sa mga tropa ang secretary ng Sub-Regional Military Area 4C (SRMA-4C) ng Southern Tagalog Regional Party Committee ng NPA na si Junalice Arante-Isita alias Arya.
Kabilang din sa nasawi sa panig ng kalaban sina: Bernardo Bagaas alyas John Paul, Logistics Officer; at Erickson Bedonia alyas Ricky.
Narekober ng mga tropa sa encounter site ang isang M16 rifle, isang baby armalite, isang M4 Bushmaster rifle, anim na jungle packs, at mga parte ng Improvised Explosive Device.
Ayon kay 2ID Commander Maj. Gen. Roberto S. Capulong, ang nutralisasyon ni Isita ay malaking dagok sa pagtatangka ng NPA na mag-reorganisa sa rehiyon. | ulat ni Leo Sarne
📷: 2ID