Pinamamadali na ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III sa insurance company ang kabayaran para sa mga biktima ng malagim na aksidente sa Antipas, North Cotabato noong Lunes Santo, Marso 25.
Kinumpirma ni Guadiz na may prangkisa ang Public Utility Van na nabangga ng dump truck nang mawalan ng kontrol sa kurbang daan sa Purok 2, Barangay Luhong.
Bawat pamilya ng nasawi ay makakatanggap ng tig-P200,000 na Passenger Accident Insurance na kabayaran.
Maging ang iba pang pasahero na nasugatan ay may kaakibat ding kabayaran.
Binigyan ng limang araw ni Guadiz ang insurance firm para mabayaran ang mga pamilya.
Batay sa ulat, umabot na sa 18 katao ang mga nasawi, habang tatlo ang sugatan sa nangyaring malagim na trahedya. | ulat ni Rey Ferrer