Pinangunahan ng Balik-Loob Organization of Mountain Province (BLOMP) na binubuo ng mga dating rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan, ang “Peace and Unity Walk and Talks” sa Bontoc, Mountain Province kahapon, Marso 26.
Lumahok sa aktibidad ang mga estudyante, mga empleyado ng lokal na pamahalaan, iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa lalawigan, at tauhan ng pulis at militar sa rehiyon.
Dito’y kinondena ng mga dating rebelde ang Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) at Cordillera Peoples Alliance (CPA), kasabay ng panawagan para sa pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.
Kasunod ng unity walk, isang programa ang isinagawa sa provincial hall, kung saan nagpasalamat ang grupo sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na nagkaloob ng suporta sa mga dating rebelde, kasabay ng muling pagtiyak ng grupo ng katapatan sa pamahalaan.
Tiniyak naman ng Northern Luzon Command (NOLCOM) ang patuloy na suporta ng militar sa mga nagbabalik-loob, upang mabigyan ang mga ito ng magandang pagkakataon na manumbalik sa lipunan at magbagong-buhay. | ulat ni Leo Sarne
📷: 1st Civil Relations Group, CRSAFP